Friday, July 10, 2015

Dungan (Gimukod, Kalag)

Drawings, and or illustrations are Properties of Batara Gat Baya
Ang Dungan ay Kilala din sa katawagang "Kaluluwa" (Taga-ilog), Kiyaraluwa (Tagbanua, Palawan), Karaduwa tawu (Hanunoo Mangyan, Mindoro) Makatu (Bukidnun/ Manobo),Gimukod (Bagobo/ Manobo) ito ay kabahagi ng ating kaloobang sarili. Ayun sa ilang paniniwala mayroon tayong 2 hanggang pitong pangunahing kaluluwa na namamalagi sa pangunahing bahagi ng ating katawan gaya ng ulo, mata, bibig, ilong, taynga, kamay at paa. Ang ilan sa mga ito ay kusang naglalakbay sa tuwing tayo ay walang malay o natutulog ngunit may mga pagkakataon na lumilisan ang Dungan ng sapilitan gaya ng pagkawalang buhay ng katawang lupa at kung minsan naman ay naliligaw ang mga ito sa "panagimpan" (astral plane) at napaglalaroan ng mga Busaw. Sa oras ng pagpanaw ng ating katawang lupa magsasama-sama at magiging isa ang mga ito na siyang mag lalakbay tungo sa kabilang buhay. Malaki ang kahalagahan ng Dungan sa seremonyang panggagamot ng mga"Diwataan"(Babaylan,Baylan,Katalonan,Mumbaki).

Upang maging matagumpay ang panggagamot kinakailangan na pabalikin ang mga ligaw na Dungan sa katawan ng may sakit.Paulit-ulit na sasambitin ng isang Diwataan o Manggagamot ang pangalan ng may sakit upang bumalik ito sa kanyang katawan. Sa ilang pangkat etniko gaya sa bulubunduking bahagi ng Luzon ang ritwal ng pagpapabalik ng isang dungan ay tinatawag na "Pad-pad at Paypay", Sa Katagalugan ay "Pabalik Diwa" sa Kabisayaan at ilang bahagi ng Mindanao naman ay "Batak Dungan", "Palumay sa kalag" atbp.. Sa proseso naman ng ating pagkabuhay magsisimulang mabuo ang ating pangunahing Dungan sa panahon kung saan ang ating ilong ay ganap ng buo sa sinapupunan ng ating magulang. Sa oras na tayo ay maging isang sanggol, inihahanda ang unang "Pabalik Diwa" o "Batak Dungan" , Susundan ito sa oras na maging ganap na ang pagkabata, binata/dalaga . Ang ritwal sa Dungan ay isinasagawa din sa bawat mahalagang pagbabago sa buhay ng isang tao gaya na lamang ng bago ikasal, pagka Datu,pagka Babaylan at maging bago makipag digma. Ginagawa ito upang maging buo ang iyong ispiritwal na kalooban at panlabas na sarili sa pagharap sa bagong yugto ng buhay .

2 comments: